Kagabi ay nagtagumpay akong maisama si Popo at si Alvin na panoorin ang pelikulang ito ni Joey Reyes. Sa kabilang banda, di tulad ng panonood namin ng Shake, Rattle and Roll, nagbayad kami para makapasok sa sinehan. Kung bakit, ikukuwento ko na lang sa inyo pag nagkita tayo.
Ang One Night Only ang ginusto kong panoorin bago pa man magsimulang ipalabas lahat ng mga kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon. Ito ay dahil na rin siguro sa paghahalintulad dito sa mga pelikulang Jologs at Bridal Shower. Ang pelikula ay sex-comedy na umikot sa isang araw na buhay ng iba’t-ibang karakter na magtatapos sa isang motel, ang Lover’s Hideaway. Kaya One Night Only ang titulo nito.
Ito ay kuwento ng mga kuwento. Kuwento ng professional hooker (Katrina Halili) at hayok sa laman na Kongresman (Ricky Davao). Kuwento ng isang sikat na artistang lalaking mapagsamantala (Paolo Contis) at isang probinsyanang nasa loob ang kulo at kati (Alessandra de Rossi). Kuwento ng isang advertising executive (Jon Avila) na naipit sa dalawang babae: isang anak ng kongresman (Diana Zubiri) at nangangaliwang girlfriend (Valerie Concepcion). Kuwento ng isang babaeng (Jennylyn Mercado) na nakipaghiwalay sa lesbianang girlfriend (Manilyn Reynes). Kuwento ng isang parloristang bakla (Chokoleit) na nais makatagpo ng lalaking mamahalin ngunit pakiramdam nito’y naloko s’ya ng kinaibigang lalaki (Joross Gamboa). At kuwento ng isa pang baklang reporter (Ogie Diaz) na naghihinganti sa nambugbog na artistang lalaki (Contis).
Whew! Ang daming kuwento! At ito rin ang dahilan kung bakit nahirapan (at hindi nagtagumpay) si Reyes na bigyang hustisya ang lahat ng mga intensyon n’ya upang mapaganda aang pelikula. Magulo. Minadali. Hindi tuloy nabigyan ng tamang pagkakahubog ng karakter ang ilan sa mga bida. At may mga karakter rin na hindi naman talaga kailangan sa istorya, isa na riyan ang asawa ng kongresman na ginampanan ni Tessie Villarama. Isa’t kalahating oras lamang ang itinagal ng pelikula subalit parang ang tagal at ang bagal ng kuwento noong patapos na ito. At natapos ito sa pamamagitan ng riot. At kung hindi maayos ang simula, hindi rin maayos ang katapusan.
Ang pelikulang ito ay pelikula na dinala ng mga mahuhusay ang pagganap. Sa lahat ng mga hinabing kuwento, pinakanakakaaliw ang kina De Rossi at Contis. Ang reversal of fate ng dalawa: ang pagiging hayok ng babae at kapaguran at pagsuko ng lalaki. Dito ko rin napansing mas epektibong contravida sa teledrama si Katrina Halili kaysa bida sa pelikula. Ang daming nasayang na punch line at nakatatawang tagpo. Sayang at mas magaling pa sa kanya ang iba n’yang kapwa bida. Buti na lang mahusay si Davao sa kanyang papel. Sayang din at hindi masyadong napagtuunan ng pansin ang mga karakter ni Mercado, Concepcion, at Zubiri na di hamak na mas maayos ang pagkakaganap kaysa kay Halili. Nakakaaliw rin si Reynes sa kanyang pagganap. Si Chokoleit naman ang pinaka-nakapagpatawa sa akin. (Hindi kita binigyan ng kung anu-ano, hindi ko pinagpaaral ang mga kapatid mo para ampunin kita! Di ba ang sabi mo mahal mo ako?)
Kapuri-puri naman ang visuals sa pelikulang ito. Ang angel room ni De Rossi (the irony!), ang space shuttle room nina Chokoleit at Reynes (bakla at tibo sa isang space shuttle room?), ang summer room nina Mercado at Gamboa (sumisimbolo sa pagsisimula), ang jungle room ni Halili (ang gulo! at ang swing!), at ang adam & eve room ni Avila at Zubiri (sumisimbolo sa bareness o kawalan at ang libido na naroon na sa simula pa lamang).
Stereotypes. Umuulan ng stereotypes sa pelikulang ito. Hindi lang ako mapalagay kung naging makatarungan ang pagsasalarawan ng mga ito. Ang paghahanap ng kababaihan sa mga guwapong lalaki at pag-iwan sa hindi kaguwapuhan. Ang pangangaliwa ng mga lalaki. May mga metaphor rin na animo’y anti-third sex: tulad na lamang ng paghahanap ng bakla at tibo sa nawawalang mga jowa at ang pangangatok nila sa mga pinto at ang paglalakad sa pasilyo at ang walang katapusang panggagamit, pag-iwas (ang hindi pagpapapasok sa motel sa magkapares na parehong lalaki o babe), at pang-iiwan sa mga ito. Hindi lang din ako mapalagay kung ang mga critique sa iba’t-ibang butas sa lipunang Pinoy sa pamamagitan ng sex, parody, at pagpapatawa ay naging malinaw sa mga manonood. Maraming twists and turns na animo’y nakakahilong sabayan.
Sa kabuuan, sinasalamin lamang ng pelikula ang sarili nitong titulo: One Night Only. Fun(ny) but sorely raw in the core.